Manila, Philippines — Pinadulog sa Office of the Ombudsman ng ilang tinaguriang “concerned employees” ng Department of Health (DOH) ang serye ng reklamo laban kay Health Secretary Teodoro Herbosa kaugnay ng umano’y walang batayan at hindi makatarungang reshuffling at demotion ng mga opisyal ng ahensya.
Ayon sa reklamo, mahigit dalawang dosenang career officials ng DOH — kabilang ang mga undersecretaries, assistant secretaries, at bureau directors — ang inilipat o ibinaba sa puwesto mula Nobyembre ng nakaraang taon hanggang Hulyo ngayong taon nang walang sapat na paliwanag o abiso.
Giit ng mga empleyado, mistulang pinapaboran umano ng kalihim ang mga malapit sa kanya at ginagamit ang kapangyarihan para manipulahin ang mga posisyon sa DOH.
Batay sa inihain nilang reklamo, sinampahan nila si Herbosa ng kasong administratibo, paglabag sa Code of Conduct for Public Officials and Employees, at Graft and Corruption. Kasama rin sa kaso sina Dr. Joel Buenaventura (OIC Director IV, Bureau of International Health Cooperation), Dr. Albert Domingo (OIC Assistant Secretary), at Ma. Kristina Marasigan (Director, Health Promotion Bureau).
Binanggit sa reklamo na pinayagan umano ni Herbosa si Marasigan — na dating beauty queen — na magsagawa ng pagbabakuna sa mga sanggol kahit wala itong medical license. Sina Domingo at Buenaventura naman umano ang nagsilbing tulay ng kalihim sa ilang supplier, bagay na umano’y may conflict of interest.
Ilan pang opisyal ang tinukoy sa reklamo na inilipat ng puwesto nang sunod-sunod.
Halimbawa, si Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal ay tatlong beses binigyan ng magkakaibang Department Personnel Order sa loob ng dalawang buwan. Si Roderick Napulan ay dalawang beses inilipat sa loob ng ilang linggo, habang si dating Usec. Rosario Vergeire ay mabilis na nailipat mula sa Treatment and Rehabilitation Centers papunta sa Universal Health Care–Policy and Strategy Cluster.
Ayon sa reklamo, ang mga hakbang na ito ay nagdulot ng “reckless disregard for continuity and stability” na nagresulta sa demoralization at paralysis sa operasyon ng ahensya. Giit pa nila, sa panahong higit na kailangan ng publiko ang matatag na serbisyo sa kalusugan, nagbunsod umano ang pamumuno ni Herbosa ng kalituhan at destabilization sa DOH.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang Department of Health o si Secretary Herbosa hinggil sa mga alegasyon. RNT