MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Bureau of Customs ng 40 luxury cars na pagmamay-ari umano ng mga Discaya, na matatandaang nagmamay-ari rin ng kompanya na nakakuha ng malalaking proyekto ng pamahalaan patungkol sa flood control.
Nais umanong alamin ng BOC kung lehitimong inimport nina Sarah at Pacifico Discaya ang mga sasakyan at kung sila ay nagbayad ng tamang buwis.
Naitampok kasi sa isang episode ang car collection ng dalawa na ngayon ay viral na sa social media.
Pagmamay-ari ng mga Discaya ang Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation, isa sa 15 kompanya na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng 20% ng flood control projects sa bansa.
“Ang minimum doon magkakaroon ng seizure proceedings pero depende kasi sa lebel ng hindi niya pagbabayad.Titingnan natin ‘yan kasi kung puwedeng pagbayarin ng karagdagang tax. Depende talaga sa makikita pa natin,” pahayag ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.
Karaniwang nag-iisyu ng letter of authority ang BOC para inspeksyunin ang mga warehouse o commercial establishiment. Sa kabila nito, iba ang magiging kaso ng mga Discaya dahil nasa kanilang tirahan ang mga sasakyan.
“Bahay kasi yan, iba ang rules eh….May proteksyon kasi ‘yung tahanan base sa ating Konstitusyon at sa mga batas, although of course, ‘yung posibilidad na gagamitin lang namin ng LOA, posible rin ‘yun pero mas magandang mag-ingat muna ang BOC,” ani Nepomuceno.
Wala pang tugon ang mga Discaya kaugnay nito. RNT/JGC