Home NATIONWIDE San Mateo mayor tutol sa paglilipat ng waste disposal operations ng Manila...

San Mateo mayor tutol sa paglilipat ng waste disposal operations ng Manila sa NSMSLF

344
0

MANILA, Philippines – Tutol si San Mateo Rizal Mayor Bartolome “Omie” Rivera Jr. sa direktiba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ilipat ang waste disposal operations ng Manila sa New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF).

Tinukoy niya ang kakulangan ng konsultasyon at posibleng banta sa mga residente.

Matatandaan na inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno ang detalye ng naturang paglilipat sa kanyang Facebook page nitong Martes, Agosto 26.

“Since today, we have officially received notice from MMDA with regard to shutting down the Navotas landfill. In-update ko na rin kayo na a few weeks before that, I’ve been hearing a lot of things, at ang inyong city government ay gumawa na ng mga paraan upang abatan ang posibleng magiging hamon sa ating siyudad,” pahayag ni Moreno.

“Kung saan ang ating mga basura na kinukuha sa ating mga kalsada, kanya-kanyang tahanan at mga komunidad, imbes na dadalhin na lamang sa Vitas sa transfer station at dadalhin sa barge papuntang Navotas. Now it’s going to be more than a dozen or about 50-70 kilometers, away from the City of Manila. Ito’y dadalhin na po sa landfill sa may San Mateo, Rizal,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Rivera na nabigla ang San Mateo local government sa naging anunsyo ni Moreno at ng direktiba ng MMDA.

“Nais kong ipabatid sa lahat na maski ang inyong Pamahalaang Bayan ay nagulat sa naging pahayag ni Mayor Isko Moreno ng Maynila at sa direktiba ng MMDA hinggil sa paglipat ng tambakan ng basura ng lungsod ng Maynila sa New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF) simula ngayong araw, ika-27 ng Agosto 2025. Ang hakbang na iyan ay walang naging konsultasyon o paunang abiso man lamang sa ating lokal na pamahalaan,” ani Rivera.

Iginiit niya na ang landfill sa San Mateo ay orihinal na itayo para maging alternative facility sa oras ng pagkaantala sa Montalban landfill, at hindi bilang isang permanenteng dumpsite sa large-scale waste ng Metro Manila.

“Hindi ito nakadisenyo para tanggapin ang malalaking volume ng basura mula sa mga malalaking siyudad ng Metro Manila. Kaya kung matutuloy ang plano na dalhin sa ating bayan ang lahat ng basura ng Metro Manila, nangangamba tayo na dagliang mapupuno ang kapasidad ng landfill, lalo pang bibigat ang daloy ng trapiko, at tataas ang banta sa kalusugan at kaligtasan ng ating mga mamamayan,” babala pa niya.

Bagamat aminado sa kapangyarihan ng MMDA sa solid waste management, iginiit ni Rivera na ang mga direktibang ito ay dapat na naaayon sa constitutional provisions, national environmental laws, at Local Government Code.

Kailangan din aniya na nagkaroon muna ng konsultasyon sa mga apektadong munisipalidad bago nagdesisyon.

Batid din ng alkalde ang pangamba ng publiko at nanawagan sa MMDA na irekonsidera ang kautusan nito.

“Pangunahing pinahahalagahan ng inyong Pamahalaang Bayan ang kapakanan ng kaniyang mamamayan. Asahan ninyong patuloy natin itong babantayan at pangangalagaan,” dagdag pa.

Bilang tugon, sinabi ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na handa siyang makipag-usap kay Rivera kaugnay nito. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here