VALENZUELA, Philippines – Arestado ang isang lalaki na ipapasok sana sa rehabilitation center nang mabisto ang baon umano nitong shabu sa Valenzuela City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Rolly”, 35, ng Brgy. Parada.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-2:30 ng hapon nang dumating sa Balai Banyuhay Rehabilitation Center sa San Roque St., Brgy. Punturin si alyas Rolly para isailalim sa Dangerous Drug Evaluation (DDE).
Sinamahan ng Barangay staff ng Brgy., Punturin ang suspek bilang bahagi ng routine check at kinakapkapan ito ng duty security guard.
Nakumpiska ng security guard sa suspek ang isang itim na pouch na naglalaman ng dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng nasa 1.2 grams at nagkakahalaga ng P8,160 na dahilan ng pagkakaaresto sa kanya.
Mahaharap Ang suspek sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) under Article II ng RA 9165 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. /Rene Manahan