CAVITE, Philippines – Isang umanong empleyado ng Meralco ang binaril dahil sa hindi malamang kadahilanan habang sakay ng isang company vehicle sa kahabaan ng Brgy. Salitran 3, Dasmarinas City, Cavite.
Nasa malubhang kalagayan ang biktima na ginagamot ngayon sa Emilio Aguinaldo College Medical Center na kinilalang si alyas Mayo dahil sa tama ng bala sa ulo.
Patuloy naman ang manhunt operation sa suspek na lulan ng isang kulay pulang kotse na umano’y nakagitgitan ng biktima sa nasabing highway.
Ayon sa report, bandang alas-7:45 kamakalawa ng umaga, magkasabay na binabaybay ng biktima at ng suspek ang kahabaan ng Jose Abad, Brgy Salitran 3, ng nasabing lugar sakay ng isang Isuzu pick up na company vehicle ng Meralco Ortigas na may plakang NIG 1222 nang pagsapit sa naturang lugar ay bahagyang tumigil ito dahil sa trapik. Dito tumigil din sa gilid ng sasakyan ng biktima ang kotseng pula na sinasakyan ng suspek at kaagad itong binaril.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek sa direksiyon ng Salawag habang ang biktima ay isinugod sa ospital.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV sa posibleng pagkakakilanlan sa suspek at inaalam din kung ano ang motibo sa pamamaril. MARGIE BAUTISTA