Home METRO San Mateo, Rizal Mayor, umalma sa pagtatapon ng basura ng Maynila sa...

San Mateo, Rizal Mayor, umalma sa pagtatapon ng basura ng Maynila sa landfill ng bayan

384
0

MANILA, Philippines – Mariing tinutulan ni San Mateo, Rizal Mayor Bartolome Rivera, Jr. ang pagtatapon ng basura mula sa Lungsod ng Maynila patungo sa Bagong San Mateo Sanitary Landfill matapos isara ang Navotas Sanitary Landfill.

Sinabi niya sa naunang pahayag na nagulat sila sa pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso tungkol sa pagtatapon ng mga basura ng lungsod sa landfill sa San Mateo, Rizal.

“Ang (Munisipyo ng San Mateo) ay nagulat sa naging pahayag ni Mayor Isko Moreno ng Maynila…hinggil sa paglipat ng tambakan ng basura ng lungsod ng Maynila sa New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF),” aniya.

“Ang hakbang na iyan ay walang naging konsultasyon o paunang abiso man lamang sa ating lokal na pamahalaan,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Rivera na naisip niya na ito ay alternatibong dumpsite lamang sakaling mahinto ang operasyon ng landfill sa Rodriguez, Rizal.

“Hindi ito (landfill ng San Mateo) nakadisenyo para tanggapin ang malalaking volume ng basura mula sa mga malalaking siyudad ng Metro Manila,” ani Rivera.

Nangangamba rin ang munisipyo na kung itutuloy ang plano, mapupuno ang kapasidad ng landfill, lalala ang trapiko, at tataas ang banta sa kalusugan at kaligtasan ng mga residente ng San Mateo, dagdag ng alkalde.

Samantala, sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagkaroon ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng San Mateo.

Idinagdag ng ahensya na ang iba pang mga lungsod ay nagtatapon na ng kanilang mga basura sa landfill ng munisipyo.

“It’s just a matter of communication dahil hindi lang siguro namin nasabi agad kay Mayor Omie na may additional volume na dadalhin sa San Mateo landfill. Again, it’s within ECC and the volume capacity allowed under the law,” saad ni MMDA chairperson Romando Artes.

Samantala, sinabi ni Mayor Isko na sinubukan ng lokal na pamahalaan ng Maynila na maghanap ng iba pang mga landfill matapos nilang marinig ang balita sa pagsasara ng Navotas Sanitary Landfill.

“Due to lack of material time, dahil dalawang buwan pa lang akong mayor, we created in two weeks time our own small transfer station and we required our private partners to buy new hauling truck so that those dump trucks, compactor na ginagamit sa Maynila for daily collection of garbage hindi na magamit para dalhin sa San Mateo,” aniya.

Sinabi naman ng MMDA na makikipag usap sila kay Rivera ukol sa nasabing isyu. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here