Home NATIONWIDE VIP treatment kay Romualdez pinabulaanan ng Malakanyang

VIP treatment kay Romualdez pinabulaanan ng Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – BUO ang tiwala ng Malakanyang sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa kabila ng alegasyon ng veteran broadcaster na si Mon Tulfo kaugnay ng umano’y iregularidad sa kustodiya at espesyal na pagtrato kay dating House Speaker Martin Romualdez.

“Minabuti po talaga nating malaman ang katotohanan dito dahil hindi puwedeng ang isang tao o grupo ng tao ay mas lalamang sa ordinaryong tao,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“pantay- pantay po dapat ang pag-trato kahit anuman ang posisyon mo, kahit anuman ang relasyon mo, kahit anuman ang kulay mo,” anito.

Sa ulat, lumabas sa paunang resulta ng beripikasyon ng BJMP na walang indikasyon ng pagkawala ng kuryente o pagka-antala sa mga CCTV camera ng Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas, Quezon City.

Ikinasa ang imbestigasyon kasunod ng mga alegasyon ni Tulfo hinggil sa di umano’y iregularidad sa kustodiya at espesyal na pagtrato kay Romualdez.

Ayon sa pahayag mula kay BJMP Spokesperson at Jail Superintendent Jayrex Bustinera, wala ring naitalang paglabas ng pasilidad ni Romualdez sa panahong sinuri sa CCTV footage.

Matatandaang sinabi ni Tulfo sa isang Facebook post na pinapatay ang buong kuryente sa kulungan para masabing brownout, para hindi makuhanan ng CCTV ang umano’y paglabas at pagpasok ni Romualdez sa kulungan, gamit ang backdoor stairs at waiting ambulance pagbaba ng hagdan ayon umano sa kaniyang source.

Samantala, binigyang-diin naman ng ahensiya na ipagpapatuloy nila ang nasabing imbestigasyon at bukas din ito sa pagtanggap ng impormasyon mula sa publiko, gayundin sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Kaya ang mensahe ni Castro sa mga taga-BJMP ay huwag lumabag sa kanilang tungkulin,

At sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon, malaking tanong para kay Castro kung ano ang motibo ng mga ito.

“Ano po ba ang inyong nais, anong motibo? ang motibo rito ay sirain ang gobyerno, sirain ang mga ahensiya na tumutupad sa kanilang tungkulin. So, huwag po nating palabasin na ganoon dahil alam natin na si Speaker Romualdez ay isa sa “big fish” na tinututukan para malaman natin ang katotohanan,” ang sinabi ni Castro.

Winika pa nito na ang lahat ng may kaso sa ngayon ay hindi naman aniya nangangahulugan na ang lahat ng mga ito guilty.

“Depende po yan sa kanilang depensa. para sirain ang ahensiya na nagbabantay kay Representative Martin Romualdez, huwag naman ninyong gawin kasi siraan din po iyan sa buong bansa. kasi ang fake news na ginagawa ninyo, kapag hindi natugunan agad, lumalabas na totoo kahit hindi,” ang litaniya ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here