MANILA, Philippines – Pinalaki lamang ang usapin hinggil sa mga maling geographic coordinates ng mga farm-to-market road (FMR) matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture (DA) na walo lamang sa kabuuang 1,669 na proyekto sa panukalang 2027 national budget ang nagkaroon ng pagkakamali sa pag-encode.
Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food binigyang-diin ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella na ang walong affected projects ay mas mababa pa sa isang porsyento ng kabuuang programa, kaya hindi dapat lumabas na ang buong budget ng FMR ay may anomalya o mali.
“Eight lang out of more than 1,600, parang blown out of proportion na. Parang the whole budget or coordinates ng farm-to-market road ay mali,” pahayag ni Fuentebella.
Nagsimula ang talakayan nang hingan ng linaw ni Quezon Rep. Mark Enverga, chairman ng komite, ang DA ukol sa pinagmulan ng mga maling coordinates.
Inamin ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo na nagkaroon nga ng pagkakamali sa encoding kung saan isa hanggang dalawang numero lamang ang nai-type nang mali sa mga coordinate data.
Nilinaw pa nito na ang lahat ng 1,669 proyekto ay opisyal na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) at hindi mga pondo o proyektong naisingit lamang.
“We’d like to inform the committee that ’yung list po or ’yung 1,669 FMR projects are within the NEP. Hindi po iyon, kumbaga, hindi iyon doon sa sinasabi nating inserted farm-to-market road projects,” paliwanag ni Manalo.
Ang naturang mga discrepancy sa datos ay unang naitala at inilabas ng mga civil society organization (CSO) tulad ng People’s Budget Coalition, BetterGov.ph, at BistoProyekto habang dinidinig ang panukalang pondo ng DA sa Senado.
Dahil dito, agad na nag-utos si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng masusing pagrebyu sa mga dokumento at validation procedure ng kagawaran upang maiwasan ang kaparehong pagkakamali sa hinaharap.
Ayon naman kay Fuentebella, may sapat pang oras ang Lehislatura upang itama ang mga mali sa datos bago tuluyang maaprubahan ang pambansang badyet.
“I think the budget process isn’t finished yet. So Congress, may Senate ka pa, may bicam ka pa. I think you can still correct it,” dagdag ng solon, sabay panawagan sa DA na palakasin ang geotagging at validation lalo na sa mga malalayong baryo na mahina ang signal ng telecommunication.
Nagbabala naman si Manalo na kung hindi maitatama ang mga coordinates bago tuluyang maipasa ang pondo, maaaring hindi maipatupad ang walong proyektong ito.
Pinasalamatan naman ni Enverga ang DA sa pag-amin sa pagkakamali at sa pakikipagtulungan nito sa mga CSO upang isagawa ang mga kinakailangang reporma sa proseso ng pag-aapruba ng pondo. Gail Mendoza