MANILA, Philippines – Itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga alegasyon na kaya inalis sa pwesto si dating Philippine National Police Chief General Nicolas Torre III ay dahil sa pagtanggi nito sa umano’y gun purchase proposal ni Secretary Jonvic Remulla.
“There are allegations that the recent reorganization at the Philippine National Police (PNP) was due to Gen. Nicolas Torre’s refusal to carry out the supposed instructions of Secretary Jonvic Remulla to purchase firearms,” saad sa pahayag ng DILG.
“This claim is false,” sinabi pa ng ahensya nitong Huwebes ng gabi, Agosto 28.
Ayon sa DILG, nakatanggap si Remulla ng “unsolicited proposal” na bumili ng 80,000 armas para sa PNP.
Tinanong ng kalihim si Torre para suriin ang operational necessity nito.
Nagpaalala naman si Remulla kay Torre na ang pagbili nito ay magagawa lamang sa pamamagitan ng congressional insertion dahil ito ay hindi kabilang sa National Expenditure Program, ayon pa sa DILG.
Sa kabila nito, ipinunto ng DILG na hindi kailanman nag-endorso si Remulla ng alinmang congressional budget insertion.
“Since his assumption as SILG, Secretary Remulla has never facilitated nor endorsed any congressional budget insertion,” ayon pa sa DILG.
Kasabay ng anibersaryo ng PNP noong Agosto 12, sinabi ni Torre kay Remulla na hindi niya nakikita ang pangangailangan ng pagbili ng mga armas para sa PNP.
“The Secretary concurred with Gen. Torre’s assessment. There was no directive to purchase.”
Sa kabila ng mga alegasyon, nagpahayag naman ng commitment ang DILG sa transparency, accountability, at kaligtasan ng mga komunidad. RNT/JGC