MANILA, Philippines – Suportado ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang desisyon ng Department of Migrant Workers (DMW) na itaas ang minimum na buwanang sahod ng mga Filipino domestic workers abroad mula US$400 tungo sa US$500.
Ayon kay Danilo Laserna, sectoral representative ng NAPC para sa formal labor at migrant workers, huli pa noong 2006 nagkaroon ng umento sa sahod kaya’t matagal nang dapat ito.
“Napapanahon na talaga yung pagtaas ng rate… Marami nang nagbago, lalo na sa cost of living hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo,” ani Laserna. Dagdag pa niya, pinatutunayan ng polisiya ang pagtupad ng gobyerno sa international labor standards, partikular sa ILO Convention 189 na kumikilala sa domestic work bilang lehitimong trabaho.
Kasama rin sa advisory ng DMW ang mas mahigpit na contract review, mandatory “Know Your Employer” video calls, at ang “Kumusta Kabayan” monitoring system. Iginiit ni Laserna ang kahalagahan ng libreng legal assistance para sa mga manggagawang nakararanas ng pang-aabuso o paglabag sa kontrata.
Unang ipatutupad ang $500 wage standard sa mga bagong deploy na domestic workers, habang mananatili ang kasalukuyang kontrata hanggang sa renewal. Nagtutulungan din ang NAPC at DMW sa reintegration programs para sa mga OFW na nais tuluyang umuwi at magnegosyo.
Inanunsyo ng DMW na epektibo ang Advisory No. 25, Series of 2025, makalipas ang 60 araw, para sa mga bagong hire at magre-renew ng kontrata. RNT