MANILA, Philippines – Isang empleyado ng Meralco na patapos na sa serbisyo ang napatay sa umano’y insidente ng road rage sa Dasmariñas, Cavite nitong Miyerkoles.
Base sa CCTV, makikita ang puting pick-up at pulang sedan na magkatabing huminto bago umarangkada ang pulang kotse. Kalaunan ay natagpuan ang biktima na duguan sa loob ng pick-up at agad dinala sa ospital ngunit binawian ng buhay.
“Hindi siya mahilig makipag-away. Mabait na tao talaga,” ayon sa kasamahan ng biktima, na nagsabing nakapagpaalam na ito sa mga katrabaho at nakatakda nang magretiro sa katapusan ng Agosto.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang insidente sa alitan sa kalsada. Sa tulong ng CCTV, natukoy na ang suspek sa pamamaril. RNT