Home NATIONWIDE PBBM, OVP handang sumalang sa lifestyle check

PBBM, OVP handang sumalang sa lifestyle check

220
0

MANILA, Philippines – KAPWA nagpahayag ng kani-kanilang kahandaan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte na sumalang sa lifestyle check.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na lahat ng miyembro ng ehekutibong sangay ng pamahalaan ay handang isailalim ang kanilang sarili sa lifestyle checks.

“Lahat ng parte ng Ehekutibo ay ready for lifestyle check… lahat po ng ehekutibo ay ready, pati po ang Pangulo,” ayon kay Castro.

Handa rin ang Office of the Vice President (OVP) na sumalang sa lifestyle check, maging ito man ay kautusan mula sa Pangulo o hindi.

“As we have always been. The Office of the Vice President is very much mindful of the provision in the Constitution that we are all public servants, public office is a public trust, and we’re all supposed to live modest lives,” ayon kay OVP spokesperson Ruth Castelo.

Nauna rito, sinabi ng Malacañang na uunahin sa lifestyle check ang lahat ng opisyal ng DPWH na diumano’y dawit sa substandard at overpriced flood control projects. Subalit ngayon, ang saklaw ng lifestyle check ay para sa lahat ng executive officials.

Nagbabala naman si Castro na maaaring malihis ang usapin sa ibang isyu.

“Ang issue po ngayon ay tuligsain at habulin ang mga involved sa flood control projects. So, ‘wag po natin ibahin at ‘wag tayong medyo mamulitika patungkol dito,” ayon kay Castro.

Gayunman, inamin din ni Castro na ang paghahayag ng SALN ay bahagi ng lifestyle check.

“Kasama po sa lifestyle check. Pagka po nagkaroon ng lifestyle check, mauna o mahuli man ang Pangulo, kasama po ‘yan,” aniya.

Samantala, muli ring inulit ni Castro na ang Ombudsman, bilang isang independent constitutional body, ay maaaring magsagawa ng kahalintulad na imbestigasyon.

“Nabanggit po natin ang Ombudsman dahil sila po ay may karapatan at may,” ayon kay Castro.

“Ngunit ang Ombudsman po ay isang independent constitutional body at kung anuman po ang kanilang magiging proseso o mechanics… nasa Ombudsman na po ‘yan,” dagdag pa niya.

Sa kabilang dako, nang tanungin si Castelo kung handa si VP Sara na isapubliko ang kanyang SALN, sinabi niya na may umiiral na procedures para sa public access.

“Meron naman pong procedure para diyan,” ani Castelo, sabay sabing, “We, civil servants, are just asked to submit it to the appropriate office. Doon po sila magre-request if they want.”

Nauna rito, hinamon nina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list at Renee Louise Co ng Kabataan Party-list si Pangulong Marcos na magsilbing halimbawa at maunang sumailalim sa lifestyle check.

Ito’y sa kabila ng hayagang pagsuporta nila sa naging kautusan ng Pangulo.

Punto nina Tinio at Co, si Marcos ay mayroon ding bilyones na confidential and intelligence funds at may kontrol sa implementasyon ng buong budget.

Giit naman ni Representative Co, bukod kay PBBM ay dapat ding maunang sumalang ang mga Duterte sa lifestyle check.

Katwiran ni Co, hindi pwedeng mag-lifestyle check lang sa iba habang ang pinakamataas na opisyal ng bansa ay nagtatago ng kanyang yaman at hindi transparent sa kanyang mga transaksyon.

Bukod sa dalawang kongresista, hinamon din ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros si Pangulong Marcos na manguna sa pagsasailalim sa lifestyle check sa gitna ng kontrobersiya at imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Iginiit ni Hontiveros na kung nag-utos ang Pangulo ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno, nararapat lamang na magpakita siya ng halimbawa sa pamamagitan ng pagsasapubliko ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here