MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ang mga Filipino na naghahanap ng trabaho abroad na huwag tumanggap ng kahina-hinalang job offers sa Myanmar dahil nananatili pa rin ang deployment ban sa Southeast Asian country.
Inulit ng Philippine Embassy sa Myanmar ang paalala matapos makapagtala ng pagtaas sa bilang ng mga Filipino na pumapasok sa bansa na umano’y magtatrabaho bilang customer service representatives.
Hindi naman nagbigay ng eksaktong bilang ang embahada, ngunit dose-dosenang biktima ang humingi ng rescue noon matapos mabiktima ng illegal recruitment sa Myanmar.
Narecruit ang mga biktima sa pamamagitan ng WhatsApp, Facebook, at Telegram bilang mga customer sales representatives ngunit pinilit silang magtrabaho bilang mga online scammer.
Sinabi ng embahada na bukas ang kanilang desk para sa mga katanungan at inquiries at maaaring tawagan sa (+95) 998-521-0991. Jocelyn Tabangcura-Domenden