BAGABAG, Nueva Vizcaya — Natangay ng hinihinalang miyembro ng “Termite Gang” ang nasa P250,000 cash at 15 bank checks matapos isagawa ang tunneling sa isang kooperatiba sa Brgy. San Pedro, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Dumaan ang mga magnanakaw sa kanal na may higit isang kilometro ang layo mula sa entrada at naghukay ng tunnel na tatlong metro papunta sa ilalim ng establisyemento.
Dahil sa insidente, pinulong na ng pamunuan ng Bagabag Police Station ang may-ari at kawani ng iba’t ibang negosyo sa lugar upang bigyan ng paalala laban sa mga kawatang naghahanap lamang ng pagkakataong makapangbiktima.
Muling binigyang-diin ng pulisya ang kahalagahan ng paglalagay ng CCTV, pagtatalaga ng security guard lalo na sa gabi, at pagkakaroon ng alarm system.
Sisimulan na rin nila ang pag-inspeksyon sa mga kanal upang tiyakin na wala nang ibang establisyemento na papasukin gamit ang ganitong pamamaraan.
Hanggang sa ngayon ay blangko pa rin ang pulisya kung sino ang nasa likod ng pagnanakaw. (Rey Velasco)