Home NATIONWIDE Bahay ni Discaya sinalakay ng BOC; 2 sa 12 mamahaling sasakyan lang...

Bahay ni Discaya sinalakay ng BOC; 2 sa 12 mamahaling sasakyan lang natagpuan

263
0

PASIG CITY — Nagsagawa ng raid ang Bureau of Customs (BOC) nitong Martes ng umaga sa mga ari-arian ng pamilya Discaya sa Pasig City bilang bahagi ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Tinarget ng mga awtoridad ang mga establisimyento ng pamilya Discaya sa F. Manalo Street. Layon ng operasyon na hanapin ang mga luxury vehicles na konektado umano sa pamilya.

Ayon sa BOC, dalawa lang sa labindalawang luxury vehicles na nakalista ang kanilang natagpuan sa bahay ng pamilya Discaya kung saan kinabibikangan ito ng isang Toyota Land Cruiser at isang Maserati.

Matatandaan na una nang binanggit ni Discaya sa isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y maanomalyang flood control projects, na nagmamay-ari ito ng 28 luxury cars.

Nag-ugat ang nasabing operasyon ng BOC sa bahay ng mga Discaya bilang suporta sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado na pinamumunuan ni Senator Rodante Marcoleta sa umano’y maanomalyang flood control projects na naglabas din ng mga isyu hinggil sa mga mamahaling sasakyan na pag-aari ng pamilya Discaya.

Ayon sa BOC, ang anumang iregularidad sa pag-aangkat ng mga mamahaling sasakyan, tulad ng maling pagdedeklara o hindi pagbabayad ng mga tungkulin at buwis, ay sasailalim sa mga aksyon sa pagpapatupad sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Giit ng BOC, hindi nila maibubunyag ang mga detalye ng patuloy na pagsisiyasat, ngunit tiniyak nila sa publiko na nananatili itong matatag sa pagpapatupad ng batas nang may patas, transparency, at due process.

Kasalukuyang nasa ilalim ng masusing pagbusisi ang pamilya matapos umamin si contractor Sarah Discaya sa pagmamay-ari ng ilang kompanyang sabay-sabay na lumalahok sa bidding ng mga proyekto ng gobyerno, bukod pa sa pag-angkin ng maraming luxury cars. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here