MANILA, Philippines – Ibinunyag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan nitong Martes na may 15 “non-existent” projects na natuklasan sa pagsusuri ng mga proyekto ng administrasyong Marcos mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.
“Hindi ito ghost projects,” paliwanag ni Bonoan, at iginiit na karamihan ay nasa 1st District ng Bulacan at ilan ay nakakalat sa ibang rehiyon.
Aniya, ang ghost projects ay yaong idineklarang tapos at napondohan kahit hindi naman totoo, samantalang ang non-existent projects ay kasalukuyang bineberipika pa.
Isinumite na ang listahan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. alinsunod sa direktiba nito sa SONA noong Hulyo na repasuhin ang 9,855 proyekto ng kanyang unang tatlong taon. Naipasa na rin ang mga dokumento sa bagong kalihim ng DPWH na si Vince Dizon.
Ayon kay Dizon, na dating pinuno ng Department of Transportation, target niyang matapos ang reorganisasyon ng DPWH sa loob ng 60 araw, alinsunod sa utos ng Pangulo na “linisin at ayusin” ang ahensya. RNT