Home METRO Mag-ama nanlaban, utas sa buy-bust 

Mag-ama nanlaban, utas sa buy-bust 

229
0

MAGUINDANAO DEL NORTE — Patay ang mag-ama matapos umanong manlaban sa isinagawang anti-drug operation ng mga awtoridad, iniulat kahapon sa bayan ng Datu Odin.

Kinilala ni Lt. Colonel Esmael Madin, hepe ng Datu Odin Municipal Police Station, ang mga napatay na suspek na sina Mandangan Noden, 48 anyos, at anak nitong si Iverson, 19 anyos, kapwa residente ng Barangay Bagoinged.

Batay sa ulat, inilatag ang operasyon tanghali ng Setyembre 2 laban sa mga suspek sa nabanggit na lugar.

Ayon kay Madin, habang nasa gitna ng transaksyon ay nakatunog ang mga suspek na mga awtoridad ang kanilang ka-deal.

Dito, pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis na nauwi sa palitan ng putok na tumagal ng dalawang oras.

Tinamaan ang mag-ama ng mga bala sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kanilang pagkamatay, habang tumakas naman ang armadong grupong tumulong sa kanila.

Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang M14 at M16 rifle, mga bala, P1.6 milyon halaga ng iligal na droga, at drug paraphernalia malapit sa katawan ng mga biktima. (Mary Anne Sapico)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here