MANILA, Philippines – Pinakilos na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang 77 disaster response groups (DRG) upang masiguro ang kahandaan sa masamang panahon dulot ng Habagat at low pressure area (LPA).
Sa isang pahayag, sinabi ng CGDPAL na ang 77 DRGs ay binubuo ng 608 personnel mula sa iba’t ibang stations at substations.
“The district’s DRG teams are fully equipped and prepared to conduct search and rescue operations, placing the safety of at-risk communities at the forefront of its proactive disaster preparedness and response efforts,” ayon sa CGDPAL.
Bilang karagdagan sa 608 personnel, ang DRG ay may 29 floating assets, 12 land mobility assets, isang aircraft, at isang drone.
Inatasan din ang lahat ng PCG stations na panatilihin ang koordinasyon sa kani-kanilang Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMOs) upang maisagawa ang synchronized operations, ma-maximize ang resources, at mapabilis ang pag-deploy ng response teams at kagamitan.
Inaasahang magdadala ng pag-ulan ang Habagat at LPA sa buong Aurora at Palawan.
Gayunman, inaasahan din ang kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Metro Manila, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Ifugao, Benguet, Camarines Norte, at Camarines Sur. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)