MANILA, Philippines – Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senado kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na pabor at handa siyang umupo sa deliberasyon ng bicameral conference committee.
Ayon kay Pangandaman, ito ay upang mabantayan ang pag-usad ng panukalang national budget para sa 2026 kung mabibigyan siya ng pagkakataon at awtorisasyon ng Kongreso.
Imumungkahi kasi ni Senator Rodante Marcoleta na umupo si Sec. Amenah sa pagdinig upang maiwasan aniya ang mga adjustment sa panukalang budget na hindi na naisasapubliko bago ito mapirmahan bilang General Appropriations Act (GAA).
“May mga adjustments po… bago maging GAB (General Appropriations Bill). Magki-create sila ng small committee – tatlo lang sila. Hindi na namin alam kung ano… Sana, Ma’am (Amenah), nandun ka. ‘Wag kang pumayag, habang nag-uusap sila, nakabantay ka roon,” ani Sen. Marcoleta.
Mabilis namang tumugon ang kalihim at sinabing dadalo siya kung siya ay papupuntahin.
Dagdag pa ni Pangandaman, napapanahon ang mungkahi ni Sen. Marcoleta sa gitna ng panawagang gawing mas bukas at transparent ang budget process, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Tinatanggap po natin ‘yung suhestiyon ni Senator Marcoleta na kung maaari, tayo po ay maupo sa bicam proceedings para masiguro na magagwardyahan natin ang 2026 budget at hindi po mababalewala ang mga priority projects ng ating administrasyon,” ani Sec. Amenah.
Nagpatuloy nitong Martes, Setyembre 2, ang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senate Committee on Finance hinggil sa 2026 NEP o panukalang pambansang budget para sa susunod na taon na nagkakahalagang P6.793 trilyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)