Home NATIONWIDE Malawakang pagbusisi sa 2026 budget ng DPWH, iniatas ni PBBM

Malawakang pagbusisi sa 2026 budget ng DPWH, iniatas ni PBBM

358
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng malawakang pagsusuri sa DPWH budget sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro: “The President emphasized that the review must lead to the necessary changes to guarantee transparency, accountability, and the proper use of the people’s money, ensuring the resources are directed toward infrastructure projects that genuinely serve and benefit the Filipino people.”

Dagdag pa ni Castro, welcome sa administrasyong Marcos ang panawagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na magpalabas ang Malacañang ng “negative list” ng mga infrastructure projects na hindi popondohan sa ilalim ng P6.793 trilyong pambansang budget para sa susunod na taon.

“Ang kanyang suhestiyon po ay welcome naman po at katulad noong sinabi nating announcement ng Pangulo, inuutusan po ang DBM at DPWH na busisiin po ’yung sinasabi nilang mukhang nagkaroon na naman ng mga insertions. So kailangan po talaga itong maaral, ma-evaluate kung tama po ang nasasabi,” ayon kay Castro.

Nauna rito, ikinalungkot ni Pangulong Marcos na nananatiling may mga “insertions” sa panukalang 2026 budget.

“Unfortunately, the more we look, the more we find. Kahit sa 2026 budget, marami pa ring siningit. So talagang… it really needs to be cleaned out properly,” ani Marcos.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos niyang bigyang-diin ang paglikha ng isang independent commission na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa DPWH.

Matatandaang kapwa binunyag nina House Deputy Speaker Ronaldo Puno at Marikina Rep. Marcy Teodoro na may mga kwestiyunableng proyekto silang nakita sa ilalim ng 2026 NEP.

Partikular na tinukoy ni Rep. Puno ang mga priority project mula sa kanyang distrito na nawala sa NEP.

Sa panig naman ni Rep. Teodoro ang proyekto na tinukoy sa NEP ay nakumpleto na subalit muling nabigyan ng pondo sa 2026 NEP. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here