Home NATIONWIDE Yorme may palibreng birthday cake sa seniors sa Maynila

Yorme may palibreng birthday cake sa seniors sa Maynila

318
0

MANILA, Philippines – Ipinakita na ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang bagong “mukha” ng ipamamahaging birthday cake para sa mga senior citizen na residente ng lungsod na magdiriwang ng kanilang kaarawan.

Muling ibinalik ang pamamahagi ng birthday cake sa mga nakatatandang residente makaraang matigil ito sa nakaraang administrasyon, kasabay ng ilang benepisyo na nawala o nagkulang, ayon sa alkalde.

“Sisikapin po naming ibalik ang mga bagay na nawala, nabawasan, at nagkulang sa inyo, mga lolo at lola ko. Inumpisahan po natin sa Ensure milk at ngayon sa pagbabalik ng birthday cakes ng senior citizens natin, at tuloy-tuloy na po ito,” pahayag ni Domagoso.

Sinimulan ang pamamahagi ng mga birthday cake nitong Martes ng umaga, Setyembre 2, 2025, kung saan mismong si Yorme ang nagpunta sa bahay ng isang 87-anyos na lola, si Consolacion Villanueva, na nagdiwang ng kanyang kaarawan.

Ayon kay Domagoso, ang mga senior citizen na residente ng Maynila na nagdiwang ng kaarawan simula Hulyo 1, 2025 ay makatatanggap na ng kani-kanilang birthday cake ngayong Setyembre.

“Steady lang po kayo sa gedli, mga nanay at tatay ko. Unti-unti po ay ibabalik natin sa ayos ang mga nawala at nagkulang sa inyong benepisyo,” pahayag ni Yorme.

“Spoiled saken ang ating mga lolo at lola, love na love ko ‘yan,” giit pa ni Domagoso.

Matatandaan na unang ipinakilala ni Mayor Isko ang birthday cake program sa kanyang unang termino bilang alkalde.

Sa muling pagbabalik nito bilang ama ng Lungsod ng Maynila, layon niyang ipagpatuloy ang mga serbisyong nasimulan at ipakita ang kanyang malalim na pagpapahalaga sa mga senior citizen ng lungsod.

(Jay Reyes)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here