Home NATIONWIDE Kahit may P118.5B lugi sa flood projects, mas malaking krimen kung walang...

Kahit may P118.5B lugi sa flood projects, mas malaking krimen kung walang makukulong – Lacson

261
0

MANILA, Philippines – Isang malaking krimen ang pagkalugi ng ekonomiya na aabot sa P118.5 bilyon dahil sa ghost flood control projects sa nakaraang tatlong taon, ngunit higit na mas mabigat na krimen ang hindi pagparusa sa mga sangkot dito, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules.

Tinukoy ni Lacson ang pagtataya ni DOF Secretary Ralph Recto na ang mga ghost flood control projects ay nagdulot ng P118.5 bilyong lugi sa ekonomiya — katumbas ng hanggang 266,000 trabaho.

“With the DOF’s mind-boggling estimated economic loss of P118.5 billion due to ‘ghost’ flood control projects, if those responsible go unpunished, the government may be committing a bigger crime against the Filipino people,” ani Lacson sa X.

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) kaugnay ng panukalang P6.793-trilyong pambansang budget para sa 2026 noong Martes, ibinunyag ni Recto na ang ghost flood control projects ay nagdulot ng lugi sa ekonomiya na nasa pagitan ng P42.3 bilyon hanggang P118.5 bilyon mula 2023 hanggang 2025.

Ayon kay Recto, nakakadismaya na habang napakahirap magkalap ng kita para sa gobyerno, hindi naman ito napupunta sa mga proyektong dapat sana’y nagdudulot ng pakinabang sa mga Pilipino.

Nauna nang ibinunyag ni Lacson na mahigit P1.9 trilyon ang inilaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2011 hanggang 2025. Gayunpaman, patuloy pa ring nararanasan ng mga Pilipino ang matinding pagbaha.

Muling iginiit ni Lacson, na naglatag ng mga katiwalian sa flood control projects sa kanyang talumpati noong Agosto 20, na dapat tiyakin ang “certainty of punishment” laban sa mga sangkot — kabilang ang pagsasampa ng kaso, paghatol, at pagkulong.

“Pag walang nakikitang napaparusahan, ang logical conclusion, mae-encourage pa ‘yan sa nagmamasid. Sasabihin nila, lumulusot naman, tayo na rin,” ani Lacson. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here