INIHAYAG ni Senate Pres. Chiz Escudero na hindi niya umano tatalikuran ang responsibilidad at pagkakataon bilang lider ng Senado.Sinabi ito ng senador nang tanungin kung nais niyang manatili bilang Senate president sa pagpasok ng 20th Congress."Hindi ito kuwestiyon ng may kumpiyansa o wala. mangyayari kung ano ang mangyayari. Bagong botohan ito, hindi ito pagpapalit ng liderato base sa kawalan ng kumpiyansa. Ito ay panibagong botohan talaga para sa 20th Congress," dagdag niya. CESAR MORALES
MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate President Francis Escudero noong Martes na magkaroon ng total ban sa tinatawag na “vanity projects” sa 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na aniya’y pawang walang kuwenta at pinagmumulan ng pagsasayang at korapsyon.
Iminungkahi ni Escudero sa Palasyo na lumikha ng isang “negative list” ng mga proyekto na agad na ibabasura ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sakaling isingit sa General Appropriations Act.
“Babaha ng mga walang kuwentang projects kung ‘di natin ididetalye kung anu-ano ang dapat ipagbawal na projects. There should be zero budget for zero-benefit projects,” ayon kay Escudero sa isang news release.
Tinukoy niya ang mga ganitong proyekto tulad ng waiting sheds, swimming pools, signages, at iba pang non-priority structures na halimbawa ng budgetary adventurism — mga proyektong kakaunti ang benepisyo sa mamamayan ngunit kumakain ng pondo na dapat sana’y nakalaan sa mas kritikal na programa.
Ayon kay Escudero, kapag ipinatupad ang negative list ay magsisilbi itong malinaw na mensahe sa mga mambabatas at ahensya na hindi na pinapayagan ng gobyerno ang mga proyektong walang direktang epekto sa mamamayan at hindi nakatutugon sa pangunahing pangangailangan sa imprastraktura.
“Dapat malinaw ang mensahe: Kung ano ang bawal, huwag nang ipilit,” aniya.
Sa halip na gastusin ang pondo para sa mga walang silbing proyekto, iginiit ng Senate President na dapat itong ilaan sa imprastrakturang may mas mataas na impact, gaya ng waste-to-energy plants at drainage improvement measures, upang matugunan ang pagbaha at iba pang suliraning pangkapaligiran sa mga urban area. Ernie Reyes