BATAAN, Philippines – Arestdo ang tatlong drug suspek na kabilang ang magkapatid at isa pang scorer ng shabu at masamsam ang nasa higit P500k halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Barangay Old San Jose, Dinalupihan.
Batay sa ulat ni Dinalupihan Municipal Police Station Chief of Police Marcelino Marcos Teloza kay Central Luzon Police Director PBGen Rogelio Peñones Jr., kinilala ng pulisya ang mga naarestong suspek na magkapatid na sina alyas “Ace”, 37 anyos at alyas “Bobby” 52 anyos, pawang residente sa naturang lugar at ang drug scorer na si alyas “Jerry” 44 anyos na taga-Barangay Dampe, Florida Blanca, Pampanga.
Sa report, magkasabwat umanong nagbenta ng shabu sa undercover police ang mag-utol na suspek.
Habang inabutan ng mga otoridad ang isa pang suspek na umiiskor (bumibili) ng droga sa magkapatid na suspek.
Aminado ang mga suspek sa paggamit ng ipinagbabawal na droga.
Habang target na suspek na si alyas “Ace” ay aminado sa pagbebenta ng iligal droga, na ibinabagsak daw sa kanya isang hindi kilalang indibidwal.
Nakumpiska sa mga suspek ang 78 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P530,400 at ang marked money na ginamit sa buybust.
Nahaharap na ang mga naarestong suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Law. (ROEL TARAYAO)