Home TOP STORIES Preventive suspension vs San Simon Mayor inihirit ng Real Steel

Preventive suspension vs San Simon Mayor inihirit ng Real Steel

315
0

QUEZON CITY – Naghain ng Extreme Urgent Motion ang RealSteel Corporation sa Office of the Ombudsman noong Setyembre 8, 2025 upang hilingin ang agarang pagpapalabas ng kautusan para isailalim sa preventive suspension si San Simon, Pampanga Mayor Abundio “JP” Simbulan Punsalan Jr.

Batay sa mosyon, iginiit ng RealSteel na may matibay umano silang ebidensya ng grave misconduct at serious dishonesty na nagpapakita ng batayan para sa agarang suspensyon.

Lumabas ang mosyon ilang araw matapos ipag-utos ng Regional Trial Court ng Muntinlupa City, Branch 206 ang pagpapalaya kay Punsalan noong Setyembre 2, 2025, kasunod ng kanyang pagkakaaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation noong Agosto 5. Ang kanyang paglaya ay dahil sa hindi pa nareresolba ng Ombudsman ang transmittal mula sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa mga rekord ng kaso at criminal information para sa Sandiganbayan.

Si Punsalan ay nahaharap sa kasong Robbery by Extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (R.A. 3019) kaugnay ng umano’y extortion scheme laban sa RealSteel.

Nagpahayag ng pangamba ang RealSteel na ang pagpapalaya kay Punsalan nang walang kasabay na preventive suspension order ay maaaring magbigay-daan upang makabalik siya sa puwesto at makaapekto sa imbestigasyon.

“We are extremely concerned that Mayor Punsalan, armed with political power and influence, can exert undue pressure and even tamper with evidence while the case is still under investigation. This is precisely why the Ombudsman must immediately issue a preventive suspension order,” nakasaad sa kanilang mosyon.

Matatandaang inaresto ng NBI si Punsalan noong Agosto 5 matapos umanong tumanggap ng pera mula sa RealSteel kapalit ng mga permit at proteksiyon. Siya ay nakulong sa NBI bago pinalaya sa bisa ng kautusan ng Muntinlupa RTC.

Ayon pa sa RealSteel, hindi ito ang unang pagkakataon na nadawit ang alkalde sa mga kontrobersiya. Sa mga nakaraang taon, may mga alegasyon din umano ng abuse of authority at iregularidad sa lokal na pamamahala na nagdulot ng pangamba sa mga nagrereklamo.

Binigyang-diin ng RealSteel na pasok umano ang lahat ng kondisyon para sa preventive suspension sa ilalim ng Ombudsman Act (R.A. 6770):

  1. Malakas ang ebidensya ng pagkakasala; at

  2. Ang pananatili ng opisyal sa puwesto ay maaaring makasagabal sa imbestigasyon at maging sa magiging resulta ng kaso.

Hinikayat ng kumpanya ang Ombudsman na kumilos nang may agarang aksyon upang mapangalagaan ang integridad ng proseso at matiyak na hindi matatakot ang mga testigo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here