Home NATIONWIDE Ika-pitong pampublikong ospital sa Maynila, binuksan na sa Baseco

Ika-pitong pampublikong ospital sa Maynila, binuksan na sa Baseco

324
0

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang pagbubukas ng ika-pitong pampublikong pagamutan ng lokal na pamahalaang lungsod makaraang pasinayaan ang President Corazon C. Aquino General Hospital na kilala bilang Baseco Hospital sa Port Area, Maynila.

Ang tatlong palapag na nasabing pampublikong pagamutan ay matatagpuan sa Barangay 649, District V, sa Port Area na pinondohan at pinangangasiwaan ng pamahalaang lungsod, bilang simbolo ng kalayaan sa paghihirap ng kanyang mga maralitang kababayan ng pangangailangan ng programang pangkalusugan.

“To honor former President Corazon C. Aquino, in our own little way, no matter what, walang pulitika, we always give credit where it’s due,” sabi ng alkalde.

“Nakakatuwang isipin, I think, sa buong Pilipinas, pwede kong masabi, na ito lang ang barangay na may sariling ospital. This hospital may serve at least 80,000 people, from Intraport to Baseco. Yan, isang kembot niyo lang,” dagdag pa ni Yorme.

Nagpasalamat naman ang mga residente sa Baseco dahil matapos ang tatlong taon ay nabuksan na ang pinakahihintay nilang Baseco Hospital na may kabuuang 50-bed capacity, may emergency room, digital x-ray, centralized oxygen supply line, at mga departamento tulad ng maternity, pediatrics, surgery, at internal medicine.

Kilala ang Baseco Compund na tinitirhan ng halos 100,000 mamamayan na karamihan ay mga informal settlers na nagtayo ng barong-barong sa na-reclaim na lupa sa Manila Bay at isa sa may pinakamataas na antas ng kahirapan kung saan umaasa lang ang maraming pamilya sa P12,000 na kakarampot na sahod kada buwan.

Masasabing malayo sa kabihasnan ang lugar na bantad pa sa mga sakuna tulad ng pagbaha at sunog, bukod sa mailap na serbisyong pang-kalusugan, na dahilan upang pagsikapan ng alkalde na maitayo rito ang pasilidad.

Ipinaalala rin ng alkalde sa mga taga-Baseco na hindi lamang sa mga proyektong nagsisilbing palamuti nakatutok ang lokal na pamahalaan kundi sa abilidad na mapataas ang kalidad ng pamumuhay ng mamamayan.

Bukod sa Baseco Hospital, pinapatakbo din ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila Medical Center, at Sta. Ana Hospital. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here