MANILA, Philippines – Nakabalik na sa Pilipinas si retired police colonel Royina Garma, ang dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na inimbestigahan sa umano’y kaunayan nito sa Duterte drug war at pagpatay sa senior executive ng ahensya.
Si Garma ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 mula Los Angeles, California, nitong Sabado ng gabi, Setyembre 6 sakay ng Philippine Airlines Flight (PR) 113, ayon sa Bureau of Immigration.
Ayon sa mga source sa pamahalaan, si Garma ay dumating kasama ang mga escort mula sa pamahalaan ng Estados Unidos.
Siya ay itinurn-over sa BI para sa routine processing.
Si Garma ay naipa-deport matapos na tanggihan ang asylum application nito, 10 buwan matapos na siya ay hulihin ng mga awtoridad sa California dahil sa kanseladong visa.
Matapos nito ay inutusan ng Department of Justice (DOJ) ang BI na ayusin ang pagpapauwi kay Garma sa bansa.
Kalaunan, sinabi ng abogado ni Garma na si Emerito Quilang na ang kanyang kliyente ay naghain ng asylum noong Nobyembre.
Kasalukuyang nahaharap si Garma sa reklamong murder at frustrated murder sa umano’y pag-uutos na ipapatay noong 2020 si dating PCSO board secretary Wesley Barayuga.
Isinalang din ito sa pagdinig sa Kamara at ginisa ng mga mambabatas sa mga alegasyon na siya umano ang mastermind sa pagkamatay ni Barayuga.
Sa pagdinig, sinabi ni Garma na inutusan siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maghanap ng opisyal na magdadala ng Davao model ng drug war para gawin sa buong bansa. RNT/JGC