MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang P15.7 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isang checkpoint sa Pigcawayan, Cotabato nitong Huwebes, Setyembre 4, 2025.
Hinarang ng pulisya ang dalawang wing van truck at nadiskubre ang humigit-kumulang 400 kahon ng sigarilyo na itinago sa ilalim ng mga sako ng uling at buhangin upang hindi mahalata.
Dinala ang mga nakumpiskang kargamento sa himpilan ng Police Regional Office-SOCCSKSARGEN (PRO-12) sa General Santos City nitong Biyernes para sa imbentaryo ng Bureau of Customs (BOC-12).
Limang katao, kabilang ang dalawang driver, ang naaresto. Batay sa imbestigasyon, mula umano sa Lanao del Sur ang kontrabando at nakatakdang dalhin sa Kabacan, Cotabato.
Ayon sa pulisya, hindi maaaring magpiyansa ang mga mahaharap sa kaso dahil sa laki ng halaga ng nasamsam.
“Under the law it is already tantamount to economic sabotage or agricultural smuggling. That is non-bailable offense,” pahayag ni PRO-12 Director Brig. Gen. Arnold Ardiente.
Nagbabala rin ang PRO-12 laban sa pagbebenta ng smuggled na sigarilyo kahit sa maliliit na tindahan.
“Even tindahan, actually kahapon we already gave instruction to chief of police kahit sa mga tindahan pag mahulihan sila we will hold them accountable,” dagdag pa ni Ardiente. RNT/JGC