Home NATIONWIDE Kaso vs DE gawa-gawa: LOREN KALADKAD SA BRIBERY CASE

Kaso vs DE gawa-gawa: LOREN KALADKAD SA BRIBERY CASE

300
0

MANILA, Philippines – Lumalakas ang hinala ng posibleng sabwatan nina Sen. Loren Legarda, anak na si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, at Uswag Ilonggo Party-list Rep. Jojo Ang para ipitin at idiin si Department of Public Works and Highways (DPWH) Batangas 1st District Engr. (DE) Abelardo Calalo sa bribery case.

Sa kanyang counter-affidavit, mariing itinanggi ni Calalo ang paratang na nagtangka siyang magbigay ng P3.1 milyon kay Leviste at iginiit na ito ay bahagi lang ng isang “political agenda.”

“Ang mga akusasyon laban sa akin ay gawa-gawa, binabaluktot ang katotohanan, at malinaw na may halong pulitika,” ani Calalo.

Ibinunyag ng DE na si Ang mismo ang nag-utos sa kanya mula pa noong Mayo na mangolekta ng “donasyon” mula sa mga contractor na may hawak na proyekto sa distrito para umano masuportahan ang mga programa ni Leviste. Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Raymond Fortun, tatlong beses na nakipagkita si Ang sa kanyang kliyente, at maging noong Agosto 21 ay nag-follow up pa sa pamamagitan ng Viber call.

Inilahad ni Calalo na personal siyang tinanong ni Leviste kung may dala siyang pera. Nang sagutin niyang mayroon siyang maliit na halagang ibinigay ng isang contractor, pinilit pa raw siya ni Leviste na kunin ito agad. Ngunit bago pa niya ito naiabot, biglang dumating ang mga pulis at siya’y dinakip.

Giit ni Fortun, malinaw na hindi ito entrapment kundi instigation.

“Wala siyang balak gumawa ng krimen. Ang ginawa niya ay resulta ng matinding pressure,” anang abogado.

Dagdag pa sa counter-affidavit, sinabi ni Calalo na sa isa sa mga meeting kung saan tinanong siya tungkol sa contractors at “donations,” naroon din sina Legarda at Leviste.

Para kay Calalo, malinaw na siya’y biktima ng sabwatan at ang kaso laban sa kanya ay bahagi ng isang political agenda at hindi simpleng isyu ng suhol kundi paraan umano upang siya’y mapatalsik sa puwesto at mapalitan ng district engineer na mas sunod sa interes ng Leviste-Legarda family at mga kaalyado nilang kontratista.

Si Ang, na pinuno ng Allencon Development Corporation, ay matagal nang nakakakuha ng malalaking kontrata sa DPWH at sinasabing malapit kay Legarda at siyang paboritong kontratista ng senadora.

“Ako’y biktima lamang ng isang set-up,” mariing pahayag ng inhinyero. RNT/NT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here