NORTH COTABATO, Philippines – Arestado nitong Martes ang pangunahing suspek sa pagpatay sa mag-asawang retiradong guro sa Banisilan, North Cotabato, at narekober sa kanya ang malaking halaga ng pera at ilan sa mga alahas ng mga biktima.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Meroy,” 53, at malayong kamag-anak ng mga biktima. Arestado siya bandang alas-10:30 ng umaga sa Sitio Kib-al, Barangay Guiling, Alamada, North Cotabato.
Ang mga biktima ay sina Edwin Galeno, 81, at asawang si Elsa, 82, kapwa retiradong guro at residente ng Barangay Poblacion 2, Banisilan. Pinatay sila sa pamamagitan ng pananaksak bandang alas-3 ng madaling araw noong Oktubre 4.
Ayon kay North Cotabato police provincial director Col. Ramel Hojilla, naaresto si “Meroy” sa loob ng wala pang 72 oras sa pamamagitan ng hot-pursuit operation, patuloy na pagmamanman at koordinasyon ng mga pulis.
Sinabi ni Hojilla na tumulong ang mga kamag-anak ng suspek sa pag-aresto sa kanya. Lumalabas umano sa imbestigasyon na personal na sama ng loob ang motibo matapos tumanggi ang mag-asawa na pautangin siya ng pera.
Sa crime scene, nabilang at naimbentaryo ang mga gamit ng mag-asawa, kabilang ang P1 milyon na cash na kamakailan lamang nilang in-withdraw sa bangko, mga alahas at mahahalagang dokumento.
Ayon kay North Cotabato Provincial Board Member Shirlyn “Neneng” Macasarte, tinangka umano ng suspek na buksan ang kabinet na nagsisilbing safe ng mag-asawa ngunit nabigo.
Pinuri ni Police Regional Office 12 Director Brig. Gen. Alan Manibog ang mga pulis na sangkot sa mabilis na pagkakaaresto sa suspek, na aniya ay resulta ng hot pursuit, mahusay na estratehiya at pagtutulungan. RNT/MDS