MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang pagbuwag sa Sangguniang Kabataan (SK) dahil sa madalas na pagliban at mababang partisipasyon ng mga miyembro nito.
Sa pagdinig ng budget sa Kamara, sinabi ni Remulla na 60% lamang ng mga halal na opisyal ng SK ang dumadalo sa mga pulong sa kanilang unang taon, at bumababa pa ito sa 30% sa mga sumunod na taon. “Those absences lead the barangay captain to impose his will on the council,” aniya.
Dagdag niya, ang pinalawig na edad na 15 hanggang 25 ay nagiging dahilan kung bakit abala ang maraming SK officials sa trabaho, kolehiyo, o pag-aasawa. Dahil dito, kadalasang inaako ng mga barangay captain ang tungkulin ng SK at nagiging pirmahan na lang ang papel ng mga kabataan.
Binigyang-diin din niya ang kawalan ng mekanismo para mapalitan ang mga hindi gumaganap na SK officials. “If I were to make a personal recommendation, I would rather that the SK be abolished because of the trend that it continuously goes down in participation,” wika ni Remulla. Santi Celario