MANILA, Philippines – Nagsampa si Public Works Secretary Vince Dizon ng referral sa Ombudsman para sa imbestigasyon at posibleng kaso laban sa mga kontratista at DPWH engineers na sangkot sa kuwestiyonableng flood control projects sa Bulacan.
Batay ito sa ulat ng DPWH Internal Audit Service at sa COA fraud audit na nag-ulat ng iregularidad sa mga proyekto sa Calumpit at Baliwag na kinasasangkutan ng Wawao Builders, SYMS Construction Trading, at St. Timothy Construction Corp.
“The IAS report, together with the fraud audit report of the Commission on Audit, contains audit and technical findings indicating irregularities in the implementation of government infrastructure projects under Bulacan 1st District Engineering Office, involving Wawao Builders, SYMS Construction Trading St Timothy Construction Corporation and their respective responsible corporate officers,” paliwanag sa liham.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na tuloy-tuloy ang imbestigasyon sa mga ghost project at hindi gagamitin ang DOJ para sa pulitika. Aniya, maaaring maging state witnesses ang mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya kung isasauli nila ang anumang hindi nararapat na nakuhang pera.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ng mga Discaya na pinilit silang magbigay ng 10–25% ng pondo ng proyekto sa ilang mambabatas, opisyal ng DPWH, at district engineers kapalit ng maayos na implementasyon. Pinangalanan nila ang ilang opisyal at iginiit na nagpatuloy silang magpatayo ng proyekto kahit lumiit ang kanilang kita. Santi Celario