MANILA, Philippines – Isang 44-anyos na Pilipinong doktor ang sugatan matapos suntukin at itulak sa riles ng subway sa Manhattan noong Agosto 9, ayon sa New York Police Department (NYPD).
Pauwi mula sa duty ang biktima at naghihintay ng tren nang bigla siyang atakihin ng isang lalaki. Mabuti na lang at walang paparating na tren at agad siyang natulungan ng mga tao para makabalik sa platform.
Nagkaroon siya ng sugat sa ulo at paa ngunit nasa maayos na kalagayan na.
Tumakas ang suspek at kasalukuyang tinutugis. Naglabas ng CCTV footage ang NYPD at nananawagan ng impormasyon para sa pagkakahuli ng salarin.
Nakikipag-ugnayan na rin ang konsulado sa biktima. RNT