MANILA, Philippines – IPINAGPALIBAN ng International Criminal Court (ICC) ang pagsisimula ng pagdinig sa confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte na orihinal na nakatakda bago matapos ang buwan.
Ito’y matapos makiusap ang defense panel para sa isang adjournment dahil sa edad na 80 taong gulang ni Duterte at umano’y hindi na siya akma para sa paglilitis.
Sa isang desisyon na ipinalabas nitong Lunes ng Pre-Trial Chamber I — kung saan si Judge María del Socorro Flores Liera ay hindi sumang-ayon — napagpasyahan na iantala ang paglilitis na dapat sana’y magsisimula sa Setyembre 23.
Sinang-ayunan ng mayorya ng chamber na ang limitadong pagpapaliban ay kinakailangan upang mapaglaanan ng oras ang kahilingan ng defense team at iba pang kaugnay na usapin. Itatakda naman ang bagong petsa ng pagdinig matapos matugunan ang mga ito.
Nagpalabas naman si Flores Liera ng dissenting opinion na nagsasaad na dapat ay tinanggihan ang kahilingan ng depensa at itinuloy ang confirmation hearing ayon sa naka-iskedyul.
Ang pagdinig sa confirmation of charges ay isang napakahalagang yugto sa ICC proceedings na layong tukuyin kung may sapat na ebidensya upang mapagtibay ang substantial grounds na nagawa ng akusado ang mga inirereklamong krimen.
Kapag nakumpirma ang pagsasakdal, ang kaso ay dadalhin sa Trial Chamber para sa susunod na yugto ng paglilitis.
Matatandaan na nitong Marso, inaresto at ikinulong si dating Pangulong Duterte sa bisa ng arrest warrant ng ICC kaugnay sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya bunsod ng ipinatupad niyang war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon sa datos ng gobyerno, tinatayang 6,000 katao ang namatay sa war on drugs ng administrasyong Duterte, subalit ayon sa mga human rights groups ay posibleng umabot sa 20,000 ang totoong bilang ng mga napatay.
Bilang hawak na ng ICC si Duterte, siya ang unang lider mula Asya na haharap sa paglilitis sa The Hague. (Kris Jose)