MANILA, Philippines – Pumanaw na si “Tiktok,” ang asong nag-viral noong Pebrero matapos makaligtas sa tama ng mga pana sa Murcia, Negros Occidental, matapos masagasaan ng sasakyan sa Bacolod City nitong Linggo.
Ayon sa Bacolod Animal Chance & Hope (BACH) Project PH, pansamantalang nasa pangangalaga siya ng isang volunteer dahil sa outbreak ng distemper sa animal shelter.
Hindi umano namalayan ng volunteer na nakalabas si Tiktok at nakatakbo sa kalsada, kung saan siya agad nasawi.
Nitong Lunes, isinagawa ang public viewing bago siya i-cremate.
Matapos gumaling sa mga sugat noong nakaraang Pebrero, nakasali pa si Tiktok sa isang fun run nitong Agosto kasama ang iba pang animal cruelty survivors. RNT