Home NATIONWIDE Malakanyang sa Discayas: Maglabas ng ebidensya

Malakanyang sa Discayas: Maglabas ng ebidensya

234
0

HINIKAYAT ng Malacañang ang kontrobersyal na mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya na patunayan at pagtibayin ang kanilang mga pahayag na nag-uugnay sa ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang full investigation, subalit hindi ang mga walang basehang akusasyon.

“Ang gusto naman talaga ng Pangulo ay malawakang imbestigasyon at malaman natin ang katotohanan. Ang ayaw lang naman ng Pangulo ay kung magna-namedrop nang walang ebidensya,” ayon kay Castro sa press briefing sa Cambodia, kung saan nasa kanyang three-day state visit ang Pangulo.

Binigyang-diin ni Castro na kung mapatutunayan ng mga credible witnesses ang umano’y pagkaka-ugnay ng ilang mambabatas at lokal na opisyal sa mga maanomalyang proyekto, tatanggapin ng Pangulo ang ebidensya para sa posibleng pagsama sa mga kasong isasampa.

Aniya pa, bukas ang Malacañang na bigyan ng proteksyon ang Discaya couple, na nauna nang nagpahiwatig na nais maging state witnesses.

“Kailangan naman po talagang mabigyan [ng protection] ang mga witnesses na talagang may kinalaman sa mga facts and data about this; kailangan po talaga ng proteksyon at hindi naman po ’yan ipagkakait ng pamahalaan,” dagdag pa ni Castro.

Sa kabilang dako, nagbabala si Castro laban sa selective revelations, matapos banggitin ni Sarah Discaya na ang kanilang flood control contracts ay nagsimula pa noong 2016.

“Pero sana nga po, ang gusto nating madinig sa lahat ay ‘yung kabuuang kuwento. Baka kasi nagiging selective lang sila,” ani Castro.

Samantala, inamin ng mga Discaya — na iniugnay din sa ilang blacklisted contractors — na nagkaroon sila ng dealings sa mga influential politicians at government officials sa Senate inquiry ukol sa flood control project anomalies.

Sa katunayan, pinangalanan ng mga ito ang mga mambabatas at opisyal na umano’y humihingi ng “kickbacks.” (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here