Nagpahayag ng hindi pangkaraniwang pag-aalala si Pope Leo hinggil sa mga kahihinatnan ng umano’y ginawang welga ng Israel sa Qatar.
“There’s some really serious news right now: Israel’s attack on some Hamas leaders in Qatar,” ayon sa Papa sa harap ng mga mamamahayag sa labas ng kanyang summer residence sa Castel Gandolfo.
Giit ni Pope Leo, masyadong seryoso ang sitwasyon.
Si Leo, na unang Papa mula sa Estados Unidos, ay kilala sa kanyang maingat at tahimik na diplomatikong diskarte, kabaligtaran ng kanyang hinalinhan na si Pope Francis. Gayunpaman, sinabi ng Santo Papa na pinalalakas ng insidente ang kanyang pagpuna sa kampanyang militar ng Israel sa Gaza.
Kamakailan ay nakipagpulong si Pope Leo kay Israeli President Isaac Herzog sa Vatican, kung saan kanyang ikinalungkot ang “tragic na sitwasyon sa Gaza.”
Nagpahayag din siya na tinangka niyang makipag-ugnayan kay Rev. Gabriel Romanelli, pastor ng Gaza Catholic Church na madalas ding nakakausap ni Pope Francis.
Nagpalipas ng araw si Pope Leo sa Castel Gandolfo matapos ang ilang oras na paglalakbay mula sa Roma bago bumalik sa Vatican kinahapunan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)