MANILA, Philippines – Sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon nitong Miyerkules na kakausapin pa niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungkol sa plano niyang alisin ang ₱275-bilyong alokasyon para sa flood control projects sa 2026 budget, matapos ang pahayag ng Pangulo ukol sa malawakang korapsyon sa mga proyektong ito.
Binanggit ni Dizon na may natitirang ₱350 bilyon mula sa 2025 budget na maaari pang gamitin sa mga kasalukuyang proyekto sa susunod na taon.
Sa kabila nito, naniniwala si Dizon na mayroong mga lugar na sobrang bahain ang kinakailangan pa ring pondohan.
“Meron tayong mga critical areas na baka kailangan talaga ng budget for flood control. Pero kahit na merong kailangang gawin, minimal lang ‘yun so malaking parte ng flood control ay practically natanggal na namin,” anang kalihim.
Dagdag niya, tanging mga “kritikal” na lugar na madalas bahain ang maaaring mabigyan ng pondo sa 2026.
Makikipagtulungan din ang DPWH sa Project NOAH para sa science-based planning at nililinis ang panukalang budget para sa 2026 upang alisin ang mga dobleng entry at iregularidad.
Target ng DILG na maisumite ito sa Kongreso sa Lunes. RNT