Home METRO 2 suspek na tumumba sa dating chief of police ng Cotabato, arestado

2 suspek na tumumba sa dating chief of police ng Cotabato, arestado

274
0

COTABATO CITY – ARESTADO ang dalawang lalaki sa Surigao City na itinuturing na responsable sa pagpatay sa dating hepe ng Cotabato City police noong 2022, sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Police Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Bangsamoro Autonomous Region noong Martes.

Ayon kay Master Sgt. Marivic Maghanoy ng PNP-AKG BARMM, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder at frustrated murder laban sa mga suspek na inilabas ni Judge Annabelle Piang ng Regional Trial Court Branch 13, nahuli ang mga responsable sa pagpatay kay Colonel Rolen Balquin.

Kinilala ang mga suspek na sina Salem Edu at Berting Abdullah, kapwa taga-Cotabato City. Mariin nilang itinanggi ang mga paratang.

“Matagal na naming hinahanap ang mga iyan. Sa wakas, nahuli na rin ng batas,” ani Maghanoy.

“Itinatanggi ko ang paratang. Wala kaming kinalaman sa pagpatay kay Balquin,” pahayag naman ni Edu sa isang panayam habang nasa kustodiya ng AKG.

Matatandaang noong Marso 19, 2022, binaril at napatay ng dalawang lalaki si Balquin habang nakaupo sa harapan ng isang sasakyang pagmamay-ari ng city government. Nasugatan din ang kanyang police escort at driver na si Master Sgt. Ariel Gutang.

Nagsilbi si Balquin bilang city police director sa loob ng dalawang taon at matapos magretiro ay itinalaga bilang hepe ng civil security unit ng lokal na pamahalaan ng Cotabato City.

Hindi pinayagan ng korte na makapagpiyansa ang mga suspek sa mga kasong kanilang kinakaharap.

(Mary Anne Sapico)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here