MANILA, Philippines – Mariing sinabi ni Senate President Vicente Sotto III ngayong Huwebes na ang makakabisita lamang sa dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez, na nag dawit sa dalawang senador sa umano’y kickback scheme, sa Pasay City Jail ay ang kanyang abogado at pamilya.
“Ang iniiwasan natin is yung may kakausap sa kanya na magbabago siya ng statement,” saad ni Sotto.
“Ililista lahat ang pupunta sa kanya, bibisita sa kanya. Ang pwede lang bumisita sa kanya, mga abugado niya at mga kamag-anak niya,” dagdag niya.
Si Hernandez ay na-cite in contempt at ikinulong dahil sa diumano’y pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa sa Senate Blue Ribbon Committee, na nag-iimbestiga sa mga maanomalyang proyekto sa flood control.
Sa hiwalay na pagdinig ng House Infrastructure Committee noong Martes, inakusahan niya sina Senator Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ng tumatanggap ng kickbacks mula sa mga flood control projects — na kanilang itinanggi.
Inilipat siya sa Pasay City Jail noong Miyerkules ng gabi mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame.
Sinabi ni Sotto na sa kabila ng kanyang paglipat ng kulungan, mananatili si Hernandez sa kustodiya ng Senado.
“Under custody namin ‘yan, we never lose jurisdiction…dahil ito’y na-detain sa ibang lugar. Kahit saan namin gustong dalhing lugar, pwede yan,” aniya.
Bago ito, sinabi ni Sotto na kinausap siya ni Speaker Martin Romualdez para ihatid ang kahilingan ng mga kongresista na manatili si Hernandez sa Kamara dahil sa pag-aalala sa kanyang kaligtasan sa ilalim ng kustodiya ng Senado.
Ngunit sinabi ni Sotto na tinanggihan niya ang kahilingang ito at una niyang ipinag-utos na makulong si Hernandez sa PNP Custodial Center — na tinutulan ng ilang minoryang senador.
“Ang akala ata nitong mga nagkukuweston, hindi na namin puwedeng kuhanin or di na mag-aattend ng hearing sa Huwebes ni Senator Lacson. Hindi, anytime, under custody namin siya,” saad ni Sotto.
“Ang dating sa akin kasi, kauupo ko pa lang, gusto nila i-antagonize ko yung House. Bakit daw ako sumusunod kay Martin [Romualdez]? Hindi naman ako sumusunod kay Martin, pinagbibigyan ko yung request ng mga congressman na hindi naman iligal at hindi naman violative of any rule of the Senate or any rule of law,” dagdag niya. RNT/MND