MANILA, Philippines – Nagdulot ng kontrobersiya ang mga litrato ni Quezon City First District Rep. Arjo Atayde sa Game 7 ng PBA semifinals noong Hulyo matapos siyang makitang nakaupo malapit kay dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara, na kamakailan ay sinibak dahil sa umano’y pagkakasangkot sa ghost flood control projects.
Katabi nila ang aktor na si Zanjoe Marudo, habang nandoon din si Daniel Padilla.
Si Alcantara ay napatunayang guilty sa ilang kasong administratibo at inaakusahan ding nagbigay ng kickback kina Senador Joel Villanueva at Senador Jinggoy Estrada.
Kasama rin si Atayde sa 17 opisyal na tinukoy ng mag-asawang kontratistang sina Curlee at Sarah Discaya na umano’y nakinabang sa mga kickback mula 2022, bagay na pinabulaanan niya.
“Never kong ginamit ang posisyon ko para sa pansariling interes, at hindi ko gagawin iyon kailanman,” pahayag ni Atayde, na nagbabalak ding magsampa ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.
Ipinagtanggol din siya ng kanyang asawang si aktres Maine Mendoza, at iginiit na ang kanilang yaman ay bunga ng maraming taong pagtatrabaho at pag-iipon, hindi mula sa pondo ng bayan. RNT