MANILA, Philippines – Hihilingin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumulong sa pag-iinspeksyon sa maanomayang flood control projects.
Ayon kay DPWH secretary Vince Dizon, kailangan ang tulong ng pulis at militar para mag-ikot at sumilip sa mga proyektong inirereport sa DPWH dahil hindi aniya kaya ng ahensya na tutukan ang libo-libong proyekto.
Ang kahilingan ni Dizon ay hindi pa natatanggap ng PNP public information office.
Sinabi naman ng AFP public affairs office na handa ang militar na tugunan ang kahilingan ng DPWH.
Ayon kay Dizon, ang bagong DPWH team ay idedeploy upang mag-inspeksyon sa mahigit 100 na iniulat na maanomalyang proyekto sa buong bansa.
Sinabi rin ni Dizon na nakatakda siyang mag-inspeksyon sa susunod na linggo sa Baguio at La Union kasama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Jocelyn Tabangcura-Domenden