MANILA, Philippines – Naniniwala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang mga kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya ay hindi makatotohanan ang mga impormasyon sa maanomayang flood control projects dahilan para hindi siya suportado sa kanilang pagiging state witness.
Ayon kay Remulla, dapat sabihin ang buong katotohanan at hindi pwedeng selective.
Sa liham na ipinadala kay Remulla, inirekomenda ni dating Senate blue ribbon committee chairman Senator Rodante Marcoleta na maging witness ang mga Discaya.
Nauna nang ibinunyag ng mag-asawang Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga pangalan ng ilang mambabatas, kanilang staff at opisyal ng DPWH na umano’y sangkot mula Hulyo 2022.
Samantala, inulit ni Remulla na nais niyang ibalik ng mag-asawa ang kanilang ill-gotten funds, kung mayroon man, sa kaban ng bansa bago sila maikonsidera bilang state witness.
Nang tanungin kung magiging state witness si dating DPWH district engneer Brice Hernandez, sinabi ni Remulla na susuriin ng gobyerno ang lahat.
Si Hernandez ang nagsabing may ilang senador, partikular sina Jinggoy Estrada at Joe Villanueva na sangkot sa maanomalyang mga proyekto sa food control.
Samantala, sinabi ni Remulla na malapit nang magsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation para sa mga ghost flood control projects. Jocelyn Tabangcura-Domenden