MANILA, Philippines – Walang nagpakitang opisyal mula sa Office of the Vice President (OVP) para sa nakatakda sanang budget deliberation sa Kamara ngayong Biyernes, Setyembre 12.
Sa kabila nito, sinabi ni Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez na si Vice President Sara Duterte ay magpapakita sa susunod na Martes.
Kasabay ng pagdinig ng House committee on appropriations, sinabi ni Alvarez, vice chairperson of the panel, na nagpadala ng liham ang OVP na nagsasabing ang assistant secretary ang dadalo para ipresenta ang mga paliwanag tungkol sa badyet ng ahensya.
Dahil ang komite ay tumatanggap lamang ng pinuno ng ahensya o undersecretary para magpaliwanag ng badyet, sinabi ni Alvarez na inabisuhan na lamang nito ang OVP na huwag dumalo sa pagdinig ngayong araw.
Nakakuha naman ng commitment si Alvarez sa OVP na dadalo si Duterte sa pagdinig sa susunod na Martes, Setyembre 16, 2025.
“Before 12:00, I was assured that the Vice President will attend on Tuesday,” anang mambabatas.
Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang OVP ay hindi dumalo sa mga budget hearing. Noong 2024, hindi rin nagpakita ang mga opisyal ng OVP. RNT/JGC