MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) ang pinagmulan ng mga pekeng driver’s license na ginamit ng mga dating inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na tinatawag ding Bulacan Group of Contractors o BGC Boys, para makapasok sa mga casino.
Sa press conference nitong Biyernes, sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na ang imbestigasyon ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa mga dinismiss na DPWH-Bulacan First District engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez at tatlong iba pa ay naglalayong tukuyin ang supplier ng mga pekeng ID.
“They need to tell us kung sino nag-supply. Kung hindi man sila mismo, kung saan nanggaling, para sa ganun mahinto natin ang naging practice na ‘to sa paggamit at paggawa ng fake licenses,” saad ni Mendoza.
Aniya, ang pakikipag-ugnayan sa mga casino ay ksalukuyang ginagawa upang malaman kung ang pag-gamit ng mga fake ID ay normal na ginagawa ng kanilang mga kliente.
“We would like to work with them and see their findings also. We would like to secure more evidence, important details na magagamit ng (that can be used by the) LTO regarding the usage of driver’s license,” ani Mendoza.
Aniya, ang pagsisiyasat ay magdedesisyon kung ang kanilang mga tunay na driver’s license, na kasalukuyang sinuspinde ng 90 araw, ay babawiin at kung sila ay tuluyang madidisqualify sa pagkuha ng mga bagong lisensya.
Inaasahang magdadala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ng bagong impormasyon sa kaso sa susunod na linggo at matatapos ang resulta ng imbestigasyon ng LTO sa Setyembre 17.
“Kapag nakuha natin ‘yan, ipre-presenta natin sa kanila ‘yun and then when we get their position on this matter bukod sa mga fake documents na ‘to. So, after that, kung wala na silang ibang sasabihin, submitted for decision na po ‘yan,” aniya.
Noong Huwebes, nag-isyu ang LTO ng preventive suspensions laban sa BGC Boys dahil sa “alleged willful misrepresentation of material information in application for a Driver’s License (RA 10930) and Imitation and False Representation (Sec. 31 of R.A. 4136).”
Sa imbestigasyon ng Senado noong nakaraang linggo, inamin ni Alcantara ang paggamit ng alyas at pekeng ID para makapasok sa casino. RNT/MND