MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng kanyang administrayson ang pagsuporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng reporma sa agrikultura at mga sektor ng agraryo.
Ito’y matapos pangunahan ng Pangulo ang Gawad Agraryo 2025 Awards Ceremony ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Makabagong San Juan National Government Center sa San Juan, araw ng Biyernes.
Sa panimula ng talumpati ng Pangulo, kinilala nito si Sen. Kiko Pangilinan, bisita sa nasabing event, tinawag itong “ready, willing and able” na tumulong na tugunan ang mga usapin sa agriculture sector.
Binigyang-pugay naman ng Pangulo ang mga ‘outstanding agrarian reform beneficiaries’ para sa kanilang kasipagan at sakripisyo.
“Binibigyang-pugay natin ang mga huwarang magsasaka, organisasyon, at komunidad na nagpapakita ng sipag, tiyaga, husay, at pagmamahal sa kapwa,” ayon sa Pangulo sa kanyang talumpati.
“Sa harap ng mga unos, sila’y matapang na ipagpatuloy—at ngayon, sila mismo ang nagsisilbing patunay na sa pagsisikap, walang pangarap na hindi kayang abutin,” aniya pa rin.
Winika pa ng Chief Executive na ang reporma na ginagawa ng kanyang administrasyon ay distribusyon ng Certificates of Land Ownership Award at Certificates of Condonation with Release of Mortgages sa libo-libong magsasaka.
“Ang halagang dapat sana’y ibabayad sa gobyerno, maaari nang ilaan sa bagong binhi, makinarya, o higit pa, sa mas maayos na buhay para sa inyong mga pamilya,” anito.
“At para mas maging produktibo ang inyong sakahan, libo-libong makinarya at kagamitan ang ating naibabahagi. Bukod sa pagpagaan ng—para sa pagpagaan sa trabaho ninyo ito, mas malaki na ang oras ninyo para makasama naman ninyo ang inyong mga pamilya,” ang tinuran ng Pangulo.
Umaasa naman ang Pangulo na ang pagkilala ay magsisilbing inspirasyon sa mga kabataang henerasyon.
“Kayo po ang huwaran ng pag-asa. Kayo ang nagpapatunay na hindi natitinag ang Pilipino sa harap ng pagsubok. At kayo ang nagsisilbing gabay sa mga kababayan nating nais din magtagumpay kagaya ninyo,” ayon kay Pangulong Marcos.
Samantala, bitbit ang temang “Repormang Agraryo: Binhi ng Kaunlaran at Tagumpay”, kinikilala ng Gawad Agraryo 2025 ang mahalagang papel ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) kung saan ang lupain na in-award sa kanila ay ginawa ng mga ito bilang productive farms, ang ARB organizations (ARBOs) na naging partner o katuwang sa pagbibigay ng support services at pangasiwaan ang enterprises, at ang agrarian reform communities (ARCs) na na-developed sa self-reliant at sustainable hubs.
Si Pangulong Marcos, kasama si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, pinresenta ang mga award sa 10 Most Outstanding ARBs, tatlong Most Progressive ARBOs, at mga Most Progressive ARCs.
Ang bawat outstanding ARB ay nakatanggap ng plaque, medal, at P25,000 cash award bilang pagkilala sa kanilang ‘productivity at commitment’ sa kanilang pamilya, komunidad at kapaligiran.
Ang pinaka-progresibong ARBOs at ARCs, ay kinilala naman sa pagbibigay ng ‘reliable services’ sa kanilang mga miyembro, pino-promote ang sustainable development, at iniaangat ang kanilang komunidad. Ang bawat isa ay nakatanggap ng plaque, medal, at proyekto na nagkakahalaga ng P70,000. (KRIS JOSE)