Home HOME BANNER STORY Interim release ni FPRRD sa ICC, nalagay sa alanganin sa mga banat...

Interim release ni FPRRD sa ICC, nalagay sa alanganin sa mga banat ni VP Sara

313
0

MANILA, Philippines — Nalagay umano sa alanganin ang hirit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pansamantalang paglaya mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa mga naging pahayag ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte, ayon sa Office of the Prosecutor (OTP).

Sa isang walong-pahinang dokumento na inilabas sa ICC website, binanggit ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang ang ilang pananalita ng bise presidente sa mga panayam at talumpati sa The Hague, kabilang ang pagtanggi sa lehitimidad ng hurisdiksiyon ng korte.

Kabilang dito ang pahayag ni Sara Duterte noong Hulyo 19 kung saan iginiit niyang “kinidnap” ang kanyang ama ng tribunal at na “illegal” ang pagkakaaresto.

Sa parehong araw, binanggit din ng prosecutor ang umano’y biro ng bise presidente na pinag-usapan nila ang posibilidad na iligtas ang dating pangulo mula sa kulungan, at ang panawagan niya sa isang Facebook livestream na “collaborate on a jailbreak.”

Ayon pa kay Niang, nagbigay rin ng talumpati si VP Sara noong Hulyo 19 kung saan maling inakusahan umano nito ang ICC na nakikipagsabwatan sa pamahalaan ng Pilipinas at nagbabayad ng “fake witnesses” laban sa kanyang ama.

Binanggit din ng opisyal na isinisi ng bise presidente sa pamahalaan ng Netherlands ang umano’y partisipasyon sa “extraordinary rendition” ni Duterte patungo sa korte.

Sa hiwalay na pahayag noong Agosto 19, sinabi pa umano ni Sara Duterte na nais bumalik ng dating pangulo sa Davao City, bagay na binigyang-diin ng prosekusyon bilang indikasyon ng layunin ng pamilya na ibalik siya sa Pilipinas.

“Ang kagustuhan ni G. Duterte na makabalik sa Davao City, kung bibigyan ng pansamantalang paglaya, ay kaayon ng layunin ng kanyang pamilya na tiyaking makauwi siya sa bansa,” saad ng OTP.

“Ipinapakita ng mga halimbawa ang paulit-ulit na pagtanggi ng pamilya Duterte sa lehitimidad ng kaso laban sa kanya at dapat itong maging dahilan para huwag payagan ang pansamantalang paglaya.”

Dagdag pa ni Niang, posibleng makaapekto sa kaso ang pakikipag-ugnayan ni Duterte sa kanyang mga kaanak at malalapit na kaalyado sakaling siya’y makalaya pansamantala. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here