MANILA, Philippines – Simula ngayong Lunes, Setyembre 15, 2025, pansamantalang isasara ang southbound lane ng Dimasalang Bridge upang bigyang-daan ang pagsisimula ng malawakang pagkukumpuni nito ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Batay sa inilabas na abiso ng Manila Public Information Office (MPIO), ang malawakang rehabilitasyon at major repair ng nasabing tulay ay tatagal hanggang Disyembre 15, 2025.
Layon ng pagkukumpuni ng tulay na magkaroon ng mas ligtas at mas maginhawang biyahe ang mga motorista patungong A. Bonifacio Avenue, North Cemetery, Chinese General Hospital, hanggang LRT Abad Santos at LRT Avenida.
Ayon kay MPIO Chief EJ Talagtag, hindi isinara ang northbound lane ng Dimasalang Bridge kaya’t patuloy pa ring madaraanan ng mga motoristang patungo sa Quezon City.
“The southbound lanes will close for the first phase while the northbound lanes remain open,” saad ni Talagtag.
Pinayuhan ang lahat ng motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta at maglaan ng dagdag na oras sa biyahe upang hindi maantala ang kanilang lakad.