Manila, Philippines — Naniniwala si direk Lav Diaz na magandang pantapat kay VP Sara Duterte bilang susunod na Pangulo ng bansa ay walang iba kundi si Vice Ganda.
Ito ang pinaksa sa kanyang guesting sa Walang Kwentang Podcast nina direk Antoinette Jadaone at JP Habac.
Natalakay doon ang tungkol kay Vice Ganda bilang TV host at kung may mga pelikula ba ito na napanood ni direk Lav. Mula rito ay sumegue ang usapan patungkol sa pulitika, partikular na ang 2028 presidential elections.
Hindi kaila na sa mga nagdaang survey ay malakas si VP Sara bilang presidential bet, sa kabila ng mga kinakaharap nitong isyu.
Nang tanungin si direk Lav kung sino ang maaaring ipantapat kay Sara na malakas din ang hatak, sinabi niyang si Vice Ganda iyon.
Katwiran niya, si Vice Ganda raw ang maituturing na icon ng pop culture sa kasalukuyan, bukod pa sa ideolohiya nito pagdating sa pulitika.
Aniya, ang mentalidad ng mga Duterte ay nakaugat sa paniniwala sa mga tinatawag na populist leader. Kaya panahon na raw na baklasin ang “Sara Duterte wall.”
At dahil dalawang taon na lang ang nalalabi, kailangan na raw kumilos ang bayan—gawin na raw itong kilusan sa pamamagitan ng Vice Ganda Movement — Vice Ganda for President.
Tinanong din si direk Lav kung sino sa palagay niya ang maaaring ka-tandem ni Vice Ganda. Para sa kanya, posibleng vice presidentiables ay sina Atty. Chel Diokno, Senator Risa Hontiveros, o dating VP Leni Robredo.
Ang siste, kapag nanalo raw si Vice Ganda — na nakikita ni direk Lav na mangyayari — magbibitiw daw siya at papalitan ng sinuman kina Chel, Risa, o Leni. Sa ganoong paraan, makakaasa umano ang bayan ng isang maayos na gobyerno.
Habang sinusulat ito ay wala pang reaksyon si Vice Ganda tungkol sa panawagan ni direk Lav.
Will the TV host heed direk Lav’s call? Bakit hindi? Go, Vice Ganda!