Home NATIONWIDE Paglilinis, pagtatanggal ng ilegal na istruktura sa mga sementeryo, pinaigting ng Pasay...

Paglilinis, pagtatanggal ng ilegal na istruktura sa mga sementeryo, pinaigting ng Pasay LGU

2
0

MANILA, Philippines – Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang paghahanda sa Undas 2026 sa pamamagitan ng paglilinis sa Pasay City Public Cemetery, pagpapatanggal ng mga ilegal na istruktura, at paghuli sa mga ligaw na hayop na maaaring magdulot ng panganib sa mga dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Ayon kay Pasay City Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano, pinangunahan ng Barangay Road Clearing Operation (BARCO) team, katuwang ang Pasay City Police Station 5, ang pagtanggal sa mga istrukturang maaaring makasagabal sa malayang paggalaw ng mga tao sa loob ng sementeryo.

Nakiisa rin sa operasyon ang City Veterinary Office upang hulihin ang mga ligaw na hayop na posibleng magbanta sa kaligtasan ng mga sementeryo sa panahon ng pagdagsa ng mga bisita.

Ayon kay Calixto-Rubiano, naging bahagi ang mga hakbang na ito ng paghahanda ng lokal na pamahalaan upang matiyak na magiging malinis, ligtas, at maayos ang sementeryo sa paggunita ng Araw ng mga Santo (All Saints’ Day) at Araw ng mga Kaluluwa (All Souls’ Day).

Kabilang din sa mga paghahanda ang paglalagay ng mga fire tanker na maaaring gamitin kung kinakailangan, gayundin ang paghuhugas at paglilinis ng mga bahagi ng sementeryo gamit ang tubig.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na mahigpit ding ipatutupad ang mga patakaran at protokol sa kaligtasan upang maiwasan ang mga insidente at matiyak ang maayos na daloy ng mga tao sa loob ng sementeryo.

Samantala, nanawagan ang mga opisyal ng lungsod sa publiko na sundin ang mga alituntunin at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kalinisan, kaayusan, at kaligtasan sa buong panahon ng Undas 2026. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here